𝗘𝗗𝗜𝗧𝗢𝗥𝗬𝗔𝗟 | Sukatan ng Tagumpay
![]() |
ni Alessandra Guitering
Sa bawat panuruang taong lumilipas ay hindi na bago ang bawat mag-aaral na patuloy ang pagsusunog kilay para lamang makamit ang inaasam na tagumpay. Bawat karangalang natatanggap ay tunay ngang walang kapantay dahil kapalit ito ng paghihirap at dedikasyong matuto. Subalit sa pagkamit nito'y isang masalimuot na karanasan ang kinakailangang tahakin ng bawat mag-aaral makamit lamang ang medalya, tropeo, mataas na marka at papuri na tila naging sukatan ng tagumpay ng bawat isa. Ngunit isa lamang ang totoo, hindi ang medalya o kahit ano mang karangalan ang nagbibigay halaga sa bawat isa, kundi tayo ang nagbibigay halaga sa kahit anong tagumpay na nakakamit.
Sa mga kompetisyon o paligsahang pampaaralan, isa lamang ang laging hinahangad ng karamihan—ang makamit ang karangalang inaasam. Ito'y naging simbolo na ng husay at talino ng bawat mag-aaral na tila ba'y nakakalimutan natin ang tunay na sukatan ng tagumpay ay hindi lamang sa ginto o pilak. Ito ay ang mga taong nagbigay ng buong puso, sakripisyo at lahat ng kakayahan ngunit hindi pinalad na makamit ang tanging karangalan. Kaya't wala sa karangalang natatanggap ang tunay na tagumpay, hindi kailanman masusukat ang halaga ng mag-aaral sa isang medalya, kundi ang dedikasyon at pagsisikap na mamayagpag.
Hindi masama ang paghangad at mangarap ng mas mataas pa sa kinakaya, hindi rin mali ang pagsisikap upang makamit ang gantimpala. Ngunit hindi dapat nating ipagwalang bahala ang maaring epekto ng sobra-sobrang pagbigay oras at buong iyo para lamang makamit ang madelyang ito. Sa huli ay hindi lahat ng tagumpay ay makakamit, kaya't sa pagkawala nito'y tila pagkabigo na ng buong pagkatao dahil sa buong pagsisikap na inialay. Kung magiging batayan lamang ang bawat parangal ay hindi makakamit ang tunay na kahulugan ng pagsusumikap.
Kaya't sa bawat mag-aaral na bumagsak pero bumangon, bawat manlalarong natalo ngunit hindi sumuko at bawat mag-aaral na nagbigay ng makakaya, hindi pagkabigo ang hindi pagkamit ng papuri at parangal. May oras ang tagumpay nating lahat at hindi titigil ang mundo sa panahong ika'y natalo, kundi ito'y magiging aral upang mas pahalagahan ang bawat yapak na tinatahak. Ang pagpapahalaga sa sarili ang mangunguna, pangsamantala lamang ang gantimpala sa lahat ng larangang tinutunguhan ngunit ang kaayusan ng sarili ay mananatili.
Bagamat, karangalan na ang naging parte sa buhay ng karamihan sa atin, hindi alam kung sino sila kung wala ang karangalang natatanggap nila. Isang malaking pagkawala sa panahong hindi nakakamit ang gantimpalang inaasam dahil sa dedikasyon at paghihirap na kahit anong gawin ay pag-aaral ang tanging pag-asa. Sambit na dapat lamang na mataas ang marka ang makukuha upang masabing nagtagumpay sila. Hindi mapigilan ang luha sa panahong nabigo silang maabot ang tanging hinihiling na parangal. Ngunit hindi doon matatapos ang lahat, hindi dahil sa pagkabigo'y isang paghihinagpis ang dadamdamin dahil mas mahalaga na iyong kinaya.
Sa huli'y isa lamang ang dapat nating tandaan, higit tayong mas mahalaga sa lahat ng medalya, hindi sukatan ang bawat parangal ang tagumpay ng bawat isa, ang tunay na mahalaga ay ang pagkataong mananatili sa atin na siyang bumubuo ng tunay na kahulugan ng tagumpay. Ang medalya ay isa lamang pangsamantalang pagbibigay buhay sa sakripisyo at pagsisikap na iniaalay. Ngunit ang pagkatao ay ang siyang pinakamahalaga na hindi matatapatan ng ginto't pilak na natatanggap.
Comments
Post a Comment